
Likas na nga siguro sa ating mga Pinoy ang pagiging mayabang. Inglesin mo man ito na proud o boastful e wala na sa akin, basta mayabang. Yung yabang na tipong pag may nakitang maganda sa sarili e todo payabang na agad. Pero ituro mo yung mali, o sabihan ng konting puna at panlalait e naghuhuramentado na agad. Parang yung kababata mong sinumpa mo ng ilang ulit dahil sa ganitong ugali.
Kamakailan ay nakita ang Jolibee sa TV show na Glee. Ewan ko naman ba at bigla na lang nagsayawan yung mga kabataan sa loob ng mall. Dun sa napanood kong clip e parang nakalakad yung batang lumpo, kaya sinampolan nya ng moves yung babaeng kasama nya. Tapos naki-join na ren sa sayaw yung iba. Sounds familiar, hmm. So, nagkataon naman na malapit sila sa Jolibee store doon kaya nahagip ito sa kamera. Nang mapanood ito ng mga Pinoy ay kanya-kanya nang post ng pagmamayabang sa mundo na ang isa sa pinakasikat na kainan sa Pilipinas ay nakunan ng video sa isang Amerikanong palabas. Big deal!
Oo, kuha ko na yung pinagmamalaki n’yo ang lahing kayumanggi (kung naggu-gluta ka, di ka kasali dito). Pero kelangan ba talaga ganun ka-big deal yun? Oo, Pinoy din ako at matakaw ren ako kumain sa Jolibee (lalo na yung spicy chicken na di mapapantayan ng McDo at KFC), pero siguro kung nakita ko ang Jolibee sa Amerkanong TV show na pinapanood ko, matutuwa lang ako. Tuwa na, Uy Jolibee o. Pero hanggang dun na lang yun. Malamang e hindi ko na ipagyayabang kung saan-saan na yung paborito kong kainan e nakita sa TV show ng mga banyaga. Tayo lang yata ang lahing ganyan. Wala pa akong nababasang artikulo na ang mga Amerkano e pinagmamalaki sa mundo na nakita sa TV ang McDo. Meron pa nga akong nakitang headline na na-feature daw sa Glee ang Jolibee. Waw, napaka-delusyonal na talaga. Feature na pala yung nahagip lang ng sandali yung logo at pangalan ng Jolibee. Panalo sa babaw mag-isip ng ilang Pilipino. Mabuti sana kung may kahit dalawang segundong full screen ang logo at pangalan ng Jolibee. O kaya nandun man lang yung mascot. Sos…
Hindi lang naman ngayon nangyari ito. Kahit kapag may isang taong nakitang magaling sa isang sining o kung ano man at pinarangalan o kinilala sya sa ibang bansa, tapos may lahing Pilipino, kahit gaano pa kaliit yan, basta mahalungkat ang lahi nyang Pilipino, aangkinin na agad yun ng mga Pinoy na “sa kanila.” Bigyan n’yo naman ng break yung tao. Hindi ba pwedeng magaling lang s’ya dahil sa sarili n’ya? Kelangan talagang magaling s’ya dahil Pilipino s’ya? Kelangan laging credited ang lahing Pinoy ‘pag may achievement na nakukuha? Pero pag kahihiyan, ganun na lamang ang pagtakwil n’yo?
Sa pag-obserba ko sa ganitong ugali ng mga Pilipino, naisip ko na mababa ang self-esteem naten bilang isang lahi. Dahil na din siguro ito sa naging kasaysayan natin sa kamay ng mga banyagang puti. At sa mga ganitong bagay kung saan nakikilala o nakikita ang mga tao o bagay na pwedeng ikabit sa lahing Pinoy ay nabibigyan tayo ng kumabaga e boost sa ating morale. Dahil sa inferiority complex natin sa ibang bansa, nagkakaroon ngayon ng compensation kapag nakakakita tayo ng mga ganitong bagay. Kaya kahit simpleng bagay na sa totoong buhay e hindi ganun kahalaga e ganun na lamang ang pagkamakabayan ng mga Pinoy. E kung sana yung ganito kalaking suporta sa simpleng kainan e binuhos n’yo nung eleksyon sa karapat-dapat na mamuno, e di sana hindi puro circus clown ang top 3 sa mga kandidato sa pagka-pangulo.
Apir!