
Disyembre na naman. Ilang araw na lang at pasko na. At wala pa din akong pera. Pero hindi yan ang gusto kong pag-usapan ngayon, dahil lalong nakaka-bato. Ang gusto kong ireklamo ay yung mga batang araw-araw at gabi-gabing nangangaroling. Walang pinipiling lugar, tao at oras. Magugulat ka na lang kung natutulog ka sa jeep tapos biglang may kakalampag na lata ng gatas na nilagyan ng plastic sa isang dulo para maging drum, at dalawampung tansan na naka-ipon sa kawad para maging tambourine. Sabay kanta ng “Sa may bahay ang aming bati…”. Kahit umagang-umaga pag papasok ka sa trabaho, hanggang sa gabi pag pauwi ka na; may mga batang aakyat sa jeep at bigla na lang mangangaroling. Pag uwi mo sa bahay mo ay nandyan pa din ang mga paslit na walang palya sa bawat gabi na pupunta sa inyo para mamasko daw.
Hindi naman sa galit ako sa mga nangangaroling o sa mga bata, pero ang nakakainis lang dun ay ginagawa na ding paraan ng panlilimos ang pangangaroling. Nung bata pa ako sa probinsya ay nangangaroling din kami ng mga pinsan ko o mga kaibigan. Pero yung pagkanta namin at pagpunta sa mga bahay ay dahil talagang masaya kami at talagang trip namin yun. Yung papaskong pera ay bonus na lang. At hindi din ito gabi-gabi ginagawa. Sa mismong gabi lang ng pasko namin ginagawa yun. Ang napansin ko pa ay parang may pinakang lider ang mga batang ito dahil kahit san ako mapunta dito sa Maynila ay palaging “Sa may bahay…” ang unang kinakanta, tapos automatic na ang kasunod nun ay “We wish you a merry christmas…” Palaging ganun yun. Pag tapos na yung dalawang kanta at wala pa ding papasko ay Jingle Bells naman. Kahit saan yan, ganyan palagi ang nadidinig ko.
Pero aaminin ko din na hindi ako masyadong ganado sa pagbibigay ng mga papaskong kung anu-ano na yan. Kaya kawawa talaga kapag may tumatapat dito sa bahay. Maging mga batang namamalimos o mga totoong nangangaroling, ay nakasimangot lahat sa pag-alis sa tapat ng gate namin. Dahil walang nakuha kahit limang piso. Siguro kung talagang may choir at mga tugtog pa.
Alam ko naman na walang mga batang lansangan na nagbabasa nitong blog ko. Ang hindi ko alam ay kung kailan sila madadala at matututo na walang nagbibigay ng papasko kapag nangangaroling sila sa mga jeep, taxi at FX.
Pero siguro kung malaki ang kita dun ay baka nagsimula na din akong mangaroling noon pang Nobyembre.
Apir!