Alam kong anibersaryo ng 9-11 ngayon. Pero hindi tungkol dyan ang iba-blag ko dahil alam kong sandamakmak na bloggers na ang gumawa ng post tungkol dyan. Wala ren naman akong maisip na ireklamo pa tungkol dito.

Kaya ang gusto ko na lang murahin ng todo ay ang mga mambabatas kuno na sina Eric Singson at Danilo Suarez. Halos lahat yata ng mamamayang Pinoy, mayaman man o mahirap ay gustong bunutan ng buhok sa ilong ang dalawang to dahil sa ginawa nilang batas na pinaka-KJ sa lahat ng batas na naisulat dito sa Pinas. Ito ay ang batas para hindi na makapag-text ng walang habas ang mga teenagers na nagliligawan sa selpon, o makapag-text ng hindi nag-iisip ng check operator services ang mga magsing-irog, o ang kahit sino pang malaki ang pakinabang sa mga unlimited texting at kung anu-anong pakulo ng mga network providers natin dito. Gusto kase nila na lagyan ng buwis ang bawat napapadalang text message o MMS. At hindi nila yan magagawa kung naka-unlimited texting tayo.

Kung sa bagay, hindi naman ako gumagamit ng serbisyong ito. Pero hindi naman ako palaging sakim. Minsan e iniisip ko ren yung kapakanan ng ibang tao. Maliit lang ang epekto sa akin nito pero sa buong bansa e masyadong malaki kaya nakatawag din ito ng aking pansin. Malaki ang mawawala sa mga network providers ganun din sa mga subscribers. Pero malaki ang papasok na pondo sa gobyerno. Mga P20 bilyon lang naman. Tapos paghahati-hatian ito ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno (*ubo* Singson *ubo* Suarez) para makabili ng kotse, makalipad sa ibang bansa, at makakain sa Le Cirque sa New York sa halagang $20,000. Ehem!

Pero bakit nga ba nila naisip ang ganitong pakana? Concerned lang naman sila sa kapakanan ng ating bansa. Masyado na kaseng lumiliit ng lumiliit ang budget ng Pilipinas taon-taon. Kaya naisip nila, as usual, na sa mga mamamayan na lang ulit kunin yung pandagdag sa budget nila sa 2010. E di ba napakagaling nun? Kase milyon-milyon tayong mga nagtetext, e kung may 5 sentimo sila bawat text e di ilang bilyon nga naman ang kikitain nila. Tapos tatamarin na magtext ang mga Pinoy, tapos makakahanap ng ibang way of communication, tapos malulugi ren ang mga kompanya, tapos magsasara o aalis na ng Pinas, tapos balik na naman tayo sa basurahan. Hanggaleng!

Bakit kaya hindi nila naisip na bawasan ang pork barrel nila? O? bawasan man lang ang nilalagay na budget sa military? O bawas-bawasan ang pagti-trip ni Gloria at paggasta ng walang pakialam? O saksakin ng gulok sa tenga ang mga nangungurakot (potek, andamin mamamatay sa gobyerno hahaha)? Kung alin pa yung simple at hindi ganun kakontrobersyal na mga paraan para kumita , yun ang hindi nila ginagawa. Tsk tsk.

Hay nako, Singson, Suarez… mga pauso n’yo talaga. Mga wala siguro kayong textmates hahaha.

Apir!