
Nung isang gabi e nag-iinit ako ng tubig para magluto ng aking hapunan na pansit kanton. Sa kasamaang-palad ay masyadong manipis yung nagamit kong panghawak dun sa mainit na kaserola kaya eto at napaso ang aking kaliwang hinlalaki. Syempre nagkaroon ng lapnos yung kaliwang hinlalaki ko. Nung una lang naman sya masakit. Tapos isang araw lang e hindi na. Pero hindi yung katangahan ko ang nirereklamo ko.
Ang problema ngayon e masyado akong natukso na pisil-pisilin yung lapnos. Nakakaaliw kase, tapos ansarap butasin kase nga may tubig sa loob. E nabutas nga. Arggh! E di ayun, masakit na sya ngayon. Kase hindi pa magaling. At wala na yung cover nya na balat.
Bakit ba naman kase pag may mga ganito tayo sa katawan e ansarap kalikutin? Pag may sugat na malapit na gumaling, e parang ansarap kutkutin minsan. Kaya ayun lalong tumatagal ang paggaling. Naalala ko tuloy dati nung may bungang araw ako sa likod. E di ba makati yun? E kahit na masakit dahil sa kakakamot e sige pa ren. Kahit nga yung tigyawat na masamang tirisin e sige lang.
Sumpa yata ito sa genetic code nating mga tao, ang kumalikot ng mga tumutubo sa katawan natin.
Apir!