
May bago na namang laban ang mga Pinoy na mainit ang dugo sa mga banyagang nakakapuna sa atin. Kamakailan kase ay may mga sinabing hindi maganda (pero may bahid ng katotohanan) ang isang Amerikanong komedyante sa radyo na si Adam Carolla. Kung wala kayong alam sa mga pinagsasabi n’ya, makinig muna dito bago ituloy ang pagbabasa.
Mabilis na kumalat ang balita sa mga lokal na blogs tungkol sa pahayag nyang ito. Marami ang agad nag-panting ang tenga at uminit ang mga ulo. Galit na galit agad sa banyagang sumira sa imahe ng ating pambansang kamao ng ganun ganun na lamang. Kung nandito malamang si Adam ay baka nagripuhan na lang s’ya bigla sa tagiliran ng walang anu-ano. Mabilis ang paghihimagsik ng lahing Pilipino.
Kung titingnan ito ng isang neutral na tao, may point naman talaga si Adam sa mga sinabi n’ya. Totoo naman na tumitigil ang Pilipinas tuwing may laban si Pacman e. Sa gitna kase ng kabulukan ng ating bansa ay merong isang taong karangalan ang naibibigay sa atin kaya ganun na lamang ang ating tuwa sa kanya. Kung sa ibang bansa nga naman ito nangyari ay hindi ganun kalaki ang karangalan na matatanggap ni Manny. Yun ang hindi maiintindihan ni Adam kahit kailan. Iba kase ang kultura nila doon. Napakaraming magagaling na tao doon na kung ikukumpara ang ambag sa bansa nila sa mga parangal at tagumpay na naabot ni Manny ay walang masasabi ang ating pambansang kamao. Nandyan ang mga scientist, artista, at kung sinu-sino pang mga idolo sa kanila. Pero hindi sila sinasamba doon ng gaya dito sa atin. Maraming humahanga sa kanila pero hindi tumitigil ang mundo nila sa mga taong yun.
Mas pinasama pa ito ng pagtakbo ni Manny sa kongreso. Sa akin lamang ay gusto kong matalo s’ya. Ewan ko kung bakit hindi pa s’ya nadala nung una. Oo, hanga ako sa kanya bilang boksingero pero isa sa pinakapangit na galaw n’ya ang pagpasok sa pulitika. Marahil ay naudyukan lamang s’ya ng kung sino o talagang sariling desisyon, pero mali talaga. Masisira lamang ang imahe n’yang ilang taon n’yang tinayo. Mas titingalain ka ng mga tao kung tumutulong ka sa bayan kahit hindi ka politiko. Kase ang mga ginagastos ng mga politiko para paunlarin ang bansa ay hindi naman nanggaling sa sarili nilang bulsa. Sa mga tao din galing yun. Binabawasan pa nga nila e.
Dun sa ibang sinabi ni Adam (yung tungkol sa pagtanggi ni Manny sa drug test at sa sex stores) ay wala na akong masyadong pakialam. Una, desisyon ng kampo ni Manny yun, bahala na sila dun. At ikalawa, meron naman talagang tindahan ng aliw dito sa Pinas. Tama naman yung kasama n’ya na sa Thailand nga yata yung gusto n’yang tukuyin pero meron din naman dito sa Pinas. Opinyon n’ya yung karamihan sa mga pinagsasabi n’ya. Oo, nakakainsulto ang pagkakasabi n’ya sa ilang mga linya, pero masakit na katotohanan naman ang ilan. Medyo exaggerated lang talaga kumbaga ang pagkakasabi. Isa pa, kailangan ba talaga natin patulan yun? Tayo lang yata ang bansang nagwawala agad kapag nasabihan ng masama, o naisama sa isang joke na medyo offensive.
Para naman sa ating mga Pinoy, ‘wag tayong magmalinis, okay? Nasaktan ang pride natin. Ayus lang magalit at mainis pero hanggang dun na lang. ‘Di na kailangang maghuramentado sa buong mundo dahil sa opinyon ng isang tao sa ating bansa. Sos… Tayo din naman ay may sinasabing hindi maganda sa ibang lahi. Manood na lang kayo ng Family Guy para may matutunan kayo.
Apir!