Noong isang linggo ay dumating na ang isa sa pinakamalungkot na pangyayare sa Pilipinas. Ito ay ang oath-taking ng mga bagong pasang nars. Malamang nung araw na yun ay masaya ang mga nanumpa at mga magulang, anak at kamag-anak nila. Isa ito sa pinakamalungkot dahil halos apatnapung-libong mga nars na naman ang magiging certified bum. Swertihan na lang yan? kung may makapasok sa ospital. Yung makakapasok ay malamang may malakas na backer sa ospital. Swerte din yung makakaalis agad papunta sa ibang bansa.

Hindi ako gaanong nasisiyahan para sa kanila pero binabati ko naman sila sa pagkapasa sa board exam. Nakakaligalig talaga yang exam na yan. At pag naipasa mo na ito e pakiramdam mo e kayang-kaya mo nang maabot ang lahat ng bagay. Syempre ganyan din ang naramdaman ko dati. Pero talagang magulo ang buhay at kailangang may malakas na koneksyon para mas mataas din ang tsansa mo na magkatrabaho, lalo na ngayon at walang mga ospital na tumatanggap ng mga bagong empleyadong nars. Wala kaseng pansweldo at nandyan naman ang mga nagvo-volunteer kaya ayus na ren para sa kanila.

Ang maganda sigurong gawin sa ngayon ay mag-training na lang muna para sa IV therapy, ECG interpretation, BLS at ACLS, at mga critical care training. Marami dyan, hanap lang kayo. Tingnan n’yo ito at ito kung ok sa inyo. Pwede rin na kumuha na ng mga exam para ma-qualify sa ibang bansa gaya ng IELTS at NCLEX-RN. Pwede ren na mag-volunteer sa mga ospital. Maganda sa PGH-ER, subukan nyo.

Nakakainis na din minsan na ang dahilan kaya dumadami ng ganito ang mga nars na walang trabaho e dahil sa mga magulang. Oo alam ko na puro kabutihan lang ang gusto nila para sa mga anak nila (at syempre para sa kanilang sarili din) kaya gusto nila pakunin ng nursing course ang mga anak nila. Ang alam kase nila, pagka-graduate at maipasa ang board exam ay may magandang trabaho na naghihintay sa ospital at sa ibang bansa tapos sunod dun e pera na agad. Hindi nila alam kung gaano pa kalayo yung iniisip nila na yun kahit na naipasa na ang board exam. Unang-una ay kailangan talaga ng trabaho dito, lalo na sa mga malalaking ospital. Yan ang kadalasang hinahanap ng mga employer sa ibang bansa. Meron naman na ang kailangan na lang ay pera. Kung meron kang hanggang kalahating milyon e madali na makaalis papunta sa UK, Australia o Canada. Pero kung wala, e tyaga ka na muna sa kung anong makita mong trabaho dito.

Hindi ko alam kung hanggang kailan tatagal itong pagdami ng mga nagiging nars dito sa Pinas. Hindi ko naman dini-discourage yung mga gusto talaga, basta ang akin lang e sana e talagang gusto nyo yang kinukuha ninyong kurso para sa huli e hindi kayo magsisisi. Minsan kase e masama ren makinig sa mga payo ng magulang.

Apir!