
Mukhang pera tayong mga tao. Aminin man natin o hindi, maraming mga pamantayan sa lipunan ngayon ang base sa pera. Isa na dito ay ang pagkuha ng ninong o ninang. Maging sa kasal, binyag, libing, errr… basta.
Dati ay gustong-gusto kong pumunta sa mga kasalan. Masaya ako lagi pag may kinakasal akong pinsan. Ibig sabihin kase nun ay kainan na naman. Pero ang isang bagay na napansin ko dito ay ang mga ninong at ninang. Hindi naman mayaman ang angkan namin pero ang iba kong mga kamag-anak ay mga big time ang ninong at ninang. Minsan ay mayor, asawa ng nagpapatakbo ng jueteng, may-ari ng malaking tindahan, konsehal at kung sino-sino pa.
Makaraan ang ilang buwan (minsan nga ay mga 3 o 4 na buwan lang) pagkatapos ng kasalan ay nandyan na ang panganay na anak. Syempre may binyagan yun. At pag may binyagan, automatic na may ninong at ninang din ang bata. At hindi basta-basta ninong at ninang. Yung mga may trabaho lang dapat. Para pag birthday, Pasko at bagong taon ay palaging may regalo.
Hindi man pera, puro materyal na bagay lang ang kadalasang hangad natin. Nakalimutan na yata talaga natin ang kahalagahan ng pagiging ninong o ninang. Ang responsibilidad ng isang ninong o ninang sa kanyang inaanak ay magbigay ng patnubay, payo o tulong na makakayang ibigay. Hindi dapat ito binabase sa kung magkano ang kayang ibigay o gaano kalaking regalo ang gusto mong matanggap sa birthday mo. Ang dapat na kinukuhang ninong o ninang ay yung may mabuting payo na mabibigay, yung nakatulong na sa iyo sa panahon na may malaki kang problema, o yung sa tingin mo ay maaasahan mo na tutulong sa iyo, pera man o kung anong klaseng problema ang meron ka. Pero kung walang mairegalo sa iyo, o wala kahit maipautang sayo, huwag mo namang tawaging kuripot.
Apir!