
Maraming nagsasabi na malayo na ang narating nating mga Pinoy pagdating sa paggawa ng pelikula at mga TV shows. Pero joke lang yan. Dahil bukod sa mga walang kwentang palabas na puro sayawan at kantahan ay nandyan ang mga teleserye, fantaserye, fashionserye, at kung anu-ano pang serye ng sakit ng ulo na pilit pinapalunok sa atin gabi-gabi ng dalawang pinakamalaking istasyon ng TV dito sa atin.
Hindi ko na pagtutuunan ng pansin ang mga malalamya at mababaw na mga plotlines ng mga manunulat ng mga serye. Naiintindihan kong by default e walang kwenta at paulit-ulit na lang ang naiisip nilang istorya. Ganun na talaga ang laman ng utak ng mga may kontrol sa telebisyon natin. Sa halip na yung buong kwento ay pagtutuunan natin ng pansin ang mga maliliit na bagay sa mga palabas na ito.
Lahat ng mga teleserye ay merong mga tagpo na nasa ospital. Hindi mawawala yan dahil sa tila mag-aagaw buhay ang bida o ang kamag-anak nya. Tapos mabubuhay din naman sa huli. Minsan, namamatay din. Pero maliban d’yan, palpak ang halos lahat sa mga tagpo sa ospital. Kagaya na lamang nung mga tagpong may nakalagay na tubo sa bibig ang pasyente. Ito ay tinatawag na ET (endotracheal) tube, kung saan may tubo na nakapasok sa daanan ng hangin. Ikinakabit ito sa makina na s’yang tumutulong para makahinga ang pasyente. Imposible ang magsalita kapag may ET tube, pero ang mga karakter sa mga palabas ay malayang nakakapagbigay ng huling habilin sa kanyang mga mahal sa buhay bago sya lagutan ng hininga. Tinalo pa ang fantaserye, mirakulong nakapagsalita sya ng walang dumadaang hangin sa vocal cords.
Kasama pa rin ng mga tagpo sa ospital, bagaman at hindi ganun kalaking isyu ay ang mga sumusunod: Masyadong mababait ang mga doktor. Kompleto ang pagpapaliwanag sa pasyente o kamag-anak, pati emosyonal, spiritwal at sikolohikal na aspeto nila ay dinadamayan. Waw, saan kayang ospital yan, gusto kong magtrabaho dyan. Isa pa din sa napansin ko ang galing sa pagpasok ng karayom ng mga nars at medtech. Wala pa akong nakikitang hindi nashu-shoot sa ugat sa unang subok pa lamang ang mga karayom.
Sa mga sumisikat na fantaserye naman ay uso ang paglipad ng mga tauhan dito. Maging superhero man, makapangyarihang nilalang, o taong nakikiangkas sa paglipad, lahat sila ay nakapamasyal na sa kalawakan. Ang problema, walang hangin sa taas. Kung meron man ay parang galing lang sa USB fan. Hello, mga direktor at producer. Di hamak na mas malakas po ang hangin sa himpapawid. Sobrang lakas. Baka lang maisipan n’yong gawing makatotohanan ang epeks (kuno) ninyo.
Bukod pa sa talagang malakas ang hangin ay malamig din sa taas. At pakitandaan po na walang oxygen sa labas ng mundo. Kaya bukod sa maninigas sa lamig ang mortal na taong dine-date sa kalawakan ng may kapangyarihang lalake, siguradong tepok na s’ya bago pa makarating sa ospital. Kahit ikaw ang isama ng manliligaw mo sa outer space para tumingin sa mga bituin, hindi ka din mag-eenjoy dahil masyado kang busy sa pangangaligkig at paghabol ng hininga.
Kaya mga direktor at producers, pakibawasan na lang yung mga walang kentang extra n’yo sa set at umarkila ng consultant para pagtanungan kung tama ba ang ginagawa n’yo. Para hindi mahalatang bobo kayo. At para hindi lalo maging bobo ang masang Pilipino.
Apir!