Hindi ko na siguro kailangang magkwento ng karanasan ko sa nangyaring baha nung Sabado. Masyado na sigurong marami kayong nabasang mga experiences ng pakikipaglaban sa agos ng tubig. O baka kayo ren mismo e naabutan ng baha o nakulong ng mahabang oras sa bus.

Nakakatakot isipin na yung ilang oras lang na ulan e kaya nang magpalubog ng Maynila. Daan-daan agad ang namatay. Hindi pa nga kalakasan ng hangin nun e, mabuti na lang. Pero yung biglang paglaki ng tubig sa mga ilog e hindi lang natin masisisi sa siyam na oras na pag ulan. Aminin man natin o hindi , malaki ang kasalanan natin kung bakit ganun na lang ang pagtaas ng tubig dito sa atin. Puro kase basura ang mga kalsada, ang mga ilog, ang mga kanal. Bukod pa sa usok na binubuga ng mga pabrika, ng mga sasakyan, at ng mga bungangang nagyoyosi, ang pagtatapon ng basura kung saan-saan ang isa sa mga dahilan kung bakit tayo agad binaha. Dagdag pa dito ang walang habas na pagputol ng mga puno para tayuan ng mga mall na tinatambayan ng mga jologs.

Kahit naman siguro kung sino ang magdadakdak at papagalitan ang mga taong tapon ng tapon ng basura, wala ren mangyayari kung hindi ren naman tumatanim sa kukote ng mga tao. Kung karamihan sa atin ay mga walang disiplina sa pagtatapon ng basura, wala reng halaga yung mga pangangaral. Tapos magmamalinis tayo at tutulong sa mga nasalanta ng bagyo. Hindi natin alam ay isa ren tayo sa mga tumulong upang malunod ang mga naging biktima. Hindi natin alam na isa tayo sa mga tumulong para malubog ang maraming sasakyan, bahay at ari-arian. Akala natin e kalikasan lahat ang may gawa.

Tsaka na muna ang apir. Nakakapanlumo…