
Kani-kanina lang ay nakikipagtalakayan ako ng pananaw sa reilihiyon sa isang social networking website. Nakisimpatya kase ako sa himutok ni UtakMunggo. Marami nga namang mga tao ngayon na galing sa kanya-kanyang relihiyon ang kadalasan ay pamimilit ang paraang ginagamit para umanib ka sa kanilang samahan.
Minsan ay sinisimulan nila sa kaunting pagbibiro. Tapos bigla ka na lang magugulat dahil pinipilit nilang buksan ang bibig mo at ipapasok ang isang sandok ng umuusok doktrina nila. Para kangĀ yung bata na pinapakain ng mapait na gulay na kahit ayaw mo at magpumiglas ka e pilit na isusupak ito sa bibig mo. Walang halaga ang mga paliwanag o pangangatwiran mo. Dahil sila pa din ang tama.
Hindi na ito bago. Hindi lang dito sa Pilipinas, marami ding ganito sa ibang bansa. Naimpluwensyahan nga lang yata tayo simula nung dumating ang Kristianismo dito sa Pilipinas. Yung mga prayleng Kastila ang nananakot na masusunog tayo sa impyerno kapag hindi naniwala sa sinasabi nila. Hanggang ngayon ay heto at dala-dala na din natin, kahit anong relihiyon ay pare-pareho na.
Sa totoo lang, hindi naman talaga makakapagligtas sa atin ang relihiyon. Kapag may nagsabi sa inyo na sila ang tanging relihiyon na makakapagligtas, niloloko ka na agad n’yan. Para sa isang totoong Kristiano, ang mahalaga sa lahat ay may paniniwala at takot ka sa Diyos at nagsisikap na gumawa ng mabuti sa kapwa. Konsensya mo lang ang dapat laging pairalin. Ito ren ang basehan ng maraming relihiyon sa mundo: ang maging mabuti sa kapwa.
Ang kagustuhan mong sumama sa isang relihiyon ay hindi dapat binabase sa kung ano ang mga sinabi sayo kundi dun sa nakikita mong magandang halimbawa nila. Kung masaya ka naman sa estado mo na walang relihiyon pero naniniwala sa Diyos, ayos lang yan. O kahit hindi ka naniniwalang may diyos. Ang mahalaga sa bawat panig ay ang respeto sa isa’t-isa. Walang gulo kapag ganyan.
Ako ay bahagi din ng isang relihiyon pero kahit na hinihimok kami na ipamahagi sa lahat ang tungkol sa Bibliya ay hindi ko gaanong sinusunod. Hindi naman sa ayaw kong ibahagi ang alam ko o paniniwala ko. Ang ayaw kong gawin e yung basta na lang kakausapin ang isang tao at ipaparada na lang ng ganun ang mga aral na natutunan ko. Mas maganda sana kung sila ang interesado na malaman ito. Yun nga lang, hindi yata ako magandang ehemplo ng isang Kristiano.
Para walang away, walang napipikon, walang naiinis, walang tanggalan sa friends list at walang pagpapakulam na magaganap, huwag tayo masyadong atribida sa pagbabahagi ng usaping panrelihiyon. Pero sa pagiging mabait sa kapwa at pagrespeto sa paniniwala nila, baka may matuwa pa sayo at maging interesado sa mga paniniwala mo.
Apir!