
Tapos na ang mala-pugon na tag-init. Nandyan na naman ang tag-ulan. At alam naman natin kung ano ang madalas nangyayari tuwing tag-ulan. Syempre ulan ng ulan. Basa ang mga kalsada, minsan bumabaha pa. Madalas makulimlim at walang sikat ng araw. Common sense na lang yan, ‘di ba?
Pero mukhang hindi ito alam ng DPWH. Naka-off yata ang common sense ng mga tao dito. Kung mapapansin n’yo sa ilang parte ng Maynila ay nariyan ang mga inaayos na kalye na hanggang ngayon ay hindi pa tapos. Merong mga kasalukuyan e ginagawa pa din at meron ding parang napagkalimutan na ng mga opisyal. Minsan ay kung hindi pa makikita sa telebisyon o radyo e hindi aayusin ng mga kinauukulang otoridad.
Bakit nga ba napakabobo nila? Ayun sa pag-aaral ng mga mananaliksik ng blog na ito, kadalasang sinisimulan ang mga proyekto ng gobyerno na pag-aayusin ang mga sirang kalsada sa kalaghatian hanggang sa katapusan ng tag-init. Kagaya nga ng sinabi ko, naka-off ang common sense nila. Sa nakalap kong impormasyon ay parang ganito ang pag-uusap nila sa opisina:
Opisyal1: Kumpadre, may dalawa’t kalahating buwan nang mainit ang panahon. Simulan na natin ang pag-aayos ng mga kalye.
Opisyal2: Aba, oo nga ‘no? Hindi ko kase pansin dahil naka-erkon tayo lagi dito sa opisina.
Opisyal1: Dun naten simulan sa mga madalas binabaha.
Opisyal2: Tama, sige kumontak ka na ng mga kokontratahin natin. Galingan mo sa negosasyon para tumubo naman tayo.
Matapos ang ilang buwan ay hindi pa din tapos ang mga kinukumpuning kalsada. Tag-ulan na pero hindi pa din tapos. Malamang lalong tatagal yan kase kung yung sinampay ko ngang damit e hindi agad natutuyo, paano pa yung semento? ‘Pag binaha pa yan, wala na lalong patutunguhan ang paggawa ng kalsadang yan. Tapos ngayon kapag tinanong at binatikos dahil sa ginagawa lang ‘pag tag-ulan e sasabihin sinimulan naman nila ito nung summer. Pero nasa kalaghatian na nga lang at patapos na ang summer nung magsimula sila. Ano bang klaseng sekretarya meron sila doon?
Sana naman sa kasagsagan ng kasipagan at magandang halimbawang pinipilit gawin ng bagong pangulo ay magbago na ren ang simpleng kabobohan ng DPWH.
Apir!