
Kapag nabanggit ang inuman, kainan, sayawan, at kung anu-ano pang anuhan, ang maiisip kaagad ng karamihan ay masaya, masarap, enjoy. Iba-iba man ng taste ang bawa’t isa, may mga bagay na alam natin sa sarili natin ay masama o minsan ay bawal sa atin pero gustong-gusto pa din nating gawin. Alam natin lahat ito. Dahil lahat tayo ay may kanya-kanyang mga ginagawang bawal.
Tingnan na lang natin ang mga karaniwang bisyo. Kahit sino siguro ang tanungin mo tungkol sa pag-inom o paninigarilyo nila, halos lahat siguro ay aamin na masama talaga ang mga gawaing ito. Pero kapag tinanong mo na kung bakit pa din nila ito ginagawa ay nahihiyang tawa na lang ang isasagot sayo. Pero kung lasing na ang kausap ay baka masagot ka lang ng “Anong pakelam mo?!” Kaya huwag mo na sigurong itanong. Masasabi natin na ang dahilan nito ay ang kahinaan ng loob ng isang tao na hindi kayang tanggihan ang tawag ng tukso. Pero malaki din ang nagagawa ng mga sangkap ng alak at yosi kung kaya ang mga gumagamit nito (lalo na yung matatagal na) ay nahihirapan nang bumitiw. Sa alak, ang pagkalulong dito ay nagsasanhi ng hindi magagandang sintomas kapag tinigilan ang pag-inom. Alam n’yo ba na kapag ang isang lasenggo ay biglang tumigil sa pag-inom ng alak, s’ya ay pwedeng mamatay? Hindi sa pagka-miss sa bisyo nya kundi sa magiging epekto nito sa katawan. Sa yosi naman ay ganun din. Ang nikotina ay sumasama sa sirkulasyon ng dugo at hahanap-hanapin din ito ng katawan kaya sa pagtagal ng paggamit mo ng yosi ay nadadagdagan ang hirap sa pag-alis ng bisyong ito.
Marami din ang talamak sa paggamit ng kahit anong droga. Maliban dun sa mga may sakit na talagang nangangailangan, marami din ang naaadik sa pinagbabawal (o kahit yung hindi bawal) na gamot. Malamang ay alam din ng gumagamit na masisira talaga ang katawan at utak nya pero kagaya ng naunang nabanggit na mga bisyo, kapag matagal nang gumagamit nito ay mas mahirap nang tanggalin. At habang tumatagal na gumagamit ka ay hahanapin ng katawan at isip ang sarap ng tama kapag tumitira ng mga drogang ito.
Pwede rin na guilty tayo sa pagkain. Hindi naman masamang kumain, pero yung sobra at yung puro mga matataas sa taba at sa asin ay hindi maganda sa ating katawan. Pero bakit marami sa atin ang mahilig dito? Syempre dahil masarap. Kahit alam natin na makakasama ito sa katawan ay pilit tayong humahanap ng dahilan sa ating sarili para hindi tayo gaanong ma-guilty kapag kumain ng isang bandehadong taba o limang tasang dinuguan. Nandyang iisipin natin na “bata pa naman ako, kaya pa ito ng katawan ko” o kaya e “minsan-minsan lang naman ito e.”
Nakakamangha lang isipin na bawat isa sa atin, gaano man natin isipin na malinis tayo, ay may mga bagay na gustong-gustong gawin na alam natin ay hindi maganda. May mga maghapong tumatambay at walang ginagawa, may mga nagnanakaw, may mga nambababae, may mga nanloloko, may hindi kumakain, may nagpapaka-martir, at marami pang iba. Natatanong ko tuloy minsan sa sarili ko kung natural tayong masasama at pinipilit lang nating magpakabuti, o natural tayong mabuti at talaga lang mapipilit ang mga tuksong nararanasan natin. Mag-isip-isip na tayo.
Apir!