
Iba-iba ang reaksyon ng mga tao sa pagkapanalo ni Manny Pacquiao sa nakaraang laban nya kay Oscar dela Hoya. Syempre maraming natuwa na mga Pilipino, maraming humanga na mga taga-ibang bansa pero marami din ang hindi masyadong natuwa.
Ayon sa mga narinig at nabasa ko ay hindi maganda ang laban ni Manny ngayon dahil parang pera na lang ang isinasa-alang-alang. Masyado na daw kontrolado ng pera at pulitika ng boksing ang mga laban nya. Tutal ay manalo at matalo ay panalo pa din ang bulsa nila pareho ni Ka Oscar. Hindi ko alam kung magkano ba talaga ang napanalunan nilang pera (may nagsabi na 10 million, may nagsabi na 40 million, ewan ko ba) pero kung tutuusin ay wala na talagang talo dun. Ang nakasalang na lang ay ang dangal bilang isang magaling na boksingero. Marami ang kumbinsido na nag-usap na ang dalawang panig bago pa ang laban para manalo si Manny. Hindi ko alam kung saan nahugot ang ganitong klaseng ideya. Hindi din naman tayo makakasigurado na hindi nga nangyari ito.
Nung nanood ako ay talagang nabitin ako sa laban. Kung kailan naman ako nakapanood ng live na laban ni Manny. Hindi ako nagbayad para sa pay-per-view ng HBO (wala nga akong TV e), nakakita lang ako ng hack sa internet para makapanood ng live. Pero sa sobrang pag-asa ko na magiging maganda ang laban at talagang may babagsak na isa ay nabigo ako nung biglang sinabi na tapos na pala ang laban. Oo maga na ang mukha ni dela Hoya at mukha na syang gulay na maghapong hindi nabenta pero mas maganda sana kung hindi agad sya sumuko.
Iyon siguro ang sinasabi ng karamihan. Kung maraming natalo si dela Hoya sa mas mataas na weight division ng boksing ay bakit sumuko agad sya kay Manny. Maganda kung ang dahilan ay dahil hindi na talaga nya kaya ang mga wapak ni Manny sa mukha nya. Pero kung dahil lang ito sa pulitika ay ayoko na lang siguro mapatunayan.
Hindi ko alam kung saan talaga ako pumapanig pero ang alam ko ay maraming maganda ang naidulot ng laban at pagkapanalo ni Manny. Naireport na walang krimen na nangyari sa buong Maynila sa loob ng ilang oras na nanonood ang mga Pilipino. Halos wala ding mga sasakyan sa kahabaan ng EDSA. Parang Biyernes Santo. Tumigil din sandali ang labanan sa Mindanao. Pero ang isang mas maganda ay ang muling nabuhay na nasyonalismo ng mga Pilipino. Marami ang taos-puso sa pagkanta at pagbigkas ng mga salita sa Lupang Hinirang bago ang laban. At marami ang sumigaw at sumuporta para sa kapwa Pilipino. At ang buong Pilipinas ay nagkaka-isa sa mga oras na ‘yon.
Wala na akong pakialam kung apektado na talaga ng pulitika ang karir ni Manny sa boksing. Basta ang alam kong mahalaga ay nakakapagdulot sya ng kapayapaan, pagkakaisa at nasyonalismo sa buong Pilipinas kahit sa loob lamang ng 3 hanggang 5 oras. Dahil konti lang ang nakakagawa nun.
Apir!