Maraming nagsasabi na tanggap na ngayon sa lipunan ang mga bading. Pero sa mga bagay na nakikita at nadidinig natin sa araw-araw, hindi ganito ang mabubuo nating buod. Oo nga’t normal na silang nakakasalamuha natin sa araw-araw nating gawain o pupuntahan pero marami pa ring mga bagay at pangyayari na magpapatunay na napakaliit pa lang ng pagkilalang ibinibigay ng lipunan sa mga bading.

Una na dito ang paggamit natin sa mga salitang bading at bakla. Sa totoo nitong kahulugan, ito ay tumutukoy sa isang lalake na ang gustong karelasyon, katalik, kasintahan at/o ka-ibigan ay kapwa n’ya lalake din. Pero maraming beses na ginagamit natin ito na iba ang kahulugang ibig nating sabihin. Kagaya na lang ng, Ano ba yan lampa, parang bading. O kaya ay, baklang-bakla ang pagsayaw mo ah. Sa unang pangungusap ay parang sinasabi na ang mga bading ay lampa. At sa ikalawa naman ay parang sinasabi na walang buhay o napakalamya magsayaw ng mga bading. Ang mga ito ay pawang hindi totoo  dahil marami namang hindi bading na lampa, at marami namang bading na hindi lampa. Ganun din sa ikalawang pangungusap. Pero madalas natin ginagamit sa ganitong konteksto ang salitang ito.

Maraming mga magulang ang nagagalit, nanghihinayang o nanlulumo kapag nalamang bading ang anak nila. Marami rin ang pinagtatawanan kapag umaming bading sila. Meron man silang pantay na estado pagdating sa karapatang magtrabaho pero sa trato ng mga nasa paligid sa pagkatao nila ay kitang-kita pa din ang pangungutya at hindi lubusang pagtanggap.

Hindi naman ako nagmamalinis. Nadudulas din ako at nagagamit ang mga salitang nabanggit sa maling konteksto. May mga pagkakataon din na natatawa ako sa mga larawan, palabas at mga bagay na tungkol sa mga bakla. Pero may mga kaibigan din akong bakla at hindi ko sila hinuhusgahan sa kanilang desisyon. At nililinaw ko lang, medyo malayo pa naman ako sa pagiging bakla.

Afir!