Kung wala kang pera at madalas kang magkasakit (hindi yung lagnat o ubo lang, yung talagang sakit na pwede kang mamatay), siguro ay sa pampublikong ospital ka nadadala. Siguro ay nakikita mo din kung gaano kahirap ang mga pampublikong ospital dito sa Maynila (kahit sa probinsya). Hindi lang sa mga gamit, kulang na kulang din ang mga ospital sa gamot at manggagawa.

Isipin mong yung tubo para sa swero ay ilang beses mo nang ginagamit. Isipin mo na yung tubo na ginagamit para makahinga ay hindi pa din napapalitan sa loob ng limang araw. Isipin mo na yung tubo na nilalagay sa ilong (ginagamit para makakain ang mga hindi pwedeng lumunok) ay ilang araw na ding nakasuksok dahil walang pamalit. At ilang beses ka na ding hindi nakakainom ng gamot dahil walang pambili at wala ding available sa ospital. Isipin mong kailangang ikaw ang mahanap ng stretcher o wheel chair sa buong ospital para maasikaso ng maayos ang pasyente o ang sarili mo. At sa haba ng pila ng mga inaasikaso ay parang gusto ng sugat mo na luminis at gumaling na lang ng kusa dahil sa sobrang inip.

Ang mga doktor at nars naman ay umiikli ng ilang taon ang buhay dahil sa sobrang pagod at sa napakalaking panganib na mahawa sa iba’t-ibang klase ng sakit. Nandyan pa yung 16 na oras na silang nasa trabaho ay bigla pang masisigawan ng mga walang utang na loob na kamag-anak ng pasyente (na mas madalas ay mas mareklamo pa kesa sa mga pasyente). Kadalasan din ay wala na sa oras o talagang hindi na nakakakain dahil sa dami ng inaasikaso. Sa ideal na setting ay mga limang pasyente sa isang nars ang dapat. Pero wala nang makikitang ganun dito. Ngayon ay 20 at minsan ay mahigit pa ang ratio ng pasyente kada isang nars. Tapos iisa lang din ang doktor para sa lahat ng pasyente. Ang mga ospital na nasa 100 lang ang kayang pagsilbihan na mga pasyente ay merong 300 kapag binilang sa census. Merong 3 pasyente sa isang kama (hindi alam kung anong sakit nung isa, kaya madalas din magkahawaan). Merong sa sahig natutulog kahit nasaksak ng 3 beses sa likod. Merong umuuwi na lang kahit hindi pa tapos ang gamutan. Merong gigising na lang at puno ng suka ang kama nila dahil nasukahan ng katabi. Meron din namang parang boarder na sa ospital at ilang linggo o buwan nang hindi makauwi.

Maswerte na talaga ngayon kung may pera ka pampaospital. Mas maswerte yung may mga insurance dahil nababawasan kahit papaano ang gastos. Pero para sa mga sobrang mahihirap ay mapapalunok ka na lang at mapapaiyak sa CR na minumura ang mga tao sa gobyerno kung bakit walang mga gamit sa ospital natin.

Apir!