Matagal ko nang napapansin na pag nasa loob ka ng grocery store, ang limangdaan mo e parang barya na lang. Kahit isang basket na maliit ay mahirap nang mapuno kung bibili ka ng matitinong pagkain. Kahit nga mga chichirya lang at de lata ay mamumulubi ka na. Minsan nga ay nagdadalawang-isip pa ako kung gagawin ko nang tig-lima ang tuna at corned beef dahil baka pagdating ko sa cashier ay kulang pala ang dala kong pera.

Masama ba akong tao kapag ginugusto ko na humina ang ekonomiya ng Pilipinas? Siguro naman ay hindi lang ako ang Pinoy na humihiling ng ganito. Pero totoo, mas madalas na gusto kong mahina ang ekonomiya ng Pilipinas para mataas ang palitan ng dolyar at marami akong pera. Kase kung tutuusin e mas maraming pakinabang sa akin pag mababa ang halaga ng piso. Marami nang pera, marami pang mabibili. Kahit naman kase mataas o mababa ang palitan ng dolyar sa piso e ganun pa din ang presyo ng mga bilihin. Ganun pa din ang taas ng pamasahe. Hindi din bumababa ang presyo sa mga serbisyong kung anu-ano.

Noong kasagaran ng taas ng dolyar sa halagang P50+ ay marami akong nabibili pag pumupunta sa grocery store. Nakaka-extra pa ng ibang mga gamit sa bahay at sa pansarili. Nakakabili pa ako ng pizza sa Yellowcab. Pero ngayon na balik ulit sa P40s ang halaga ng dolyar e wala pa ring pinagbago ang halaga ng mga bilihin. Karamihan nga ay lalo pang tumaas. Kahit pamasahe ay ganun pa din. Saktong karinderya na lang ulit ako araw-araw.

Mahal din nga kahit mamatay e. Kabaong, punerarya, burol, serbisyo, pakain sa mga magsusugal sa lamay, lupa sa sementeryo, nitso, lapida, at paglibing. Lahat ay sobrang mahal kaya mamumulubi talaga, bawal na din mamatay ngayon. Wala nang mapagpilian. Tara, matulog na lang.

Apir!