
Isa sa pinakamarumi, magulo, makalat, at puno ng kasinungalingang pangyayari na kailangang pagdaanan ng Pilipinas sa bawat anim na taon ay ang halalan ng mga opisyal ng gobyerno. Nung una kong malaman ang tungkol sa pambansang halalan noong 1995, naging interesado ako. Pero habang tumagal ang panahon, sa mga nasaksihan ko sa pangangampanya ng mga kandidato, ay nawawalan ako ng gana na makiisa. Natatawa na lang ako sa mga personalidad na gustong maging politiko, mga desperadong tao.
Ilang buwan pa man bago ang takdang araw ng legal na simula ng pangangampanya ay hayan na ang mga may balak tumakbo at kanya-kanya nang paskil ng mga pagmumukha nilang hindi kaaya-aya sa kung saan sulok. Sila yung mga nagkukunyariang bumabati sa inyo ng maligayang Pasko o masayang araw ng piyesta. Sila ren yung mga pulitikong nasa posisyon na naglalagay ng ‘Ang proyektong ito ay hatid sa inyo ni Mayor Mandarambong‘ sa mga pinapatayong waiting shed sa bawat kanto. Sila yung mga nagpapamukha sa tao ng kanilang kabaitan sa TV ads na wala namang produktong iniendorso, tapos mapapaisip ka na lang na, ‘Para saan kaya yun?‘
Sa panahon naman na pwede na mangampanya e hayan at nadadagdagan ng 49% ang araw-araw na pagtaas ng dami ng basura sa Maynila. Ito ay dahil sa sandamakmak na posters, streamers, fliers, at kung anu-ano pang bagay na kinakabitan ng mukha ng mga kandidato. May mga itinakda na raw na lagayan ng campaign materials ang Comelec pero tila wala namang pumapansin dito. Hayan, sige pa rin ang kabit ng mga posters at streamers nila kung saan-saan.
Sa kampanya din lumalabas ang kung anu-anong paninira sa kapwa. Mabuti sana kung creative pero puro mga cheap at walang kwenta ang banatan. Hindi man lang entertaining. Nandyan din ang balimbingan. At pag nagkapikunan e nagpapasabugan na sila ng sasakyan. Minsan ay nagbabarilan. At nagtatagaan.
Katawa-tawa din ang mga personalidad na sumasali sa eleksyon. Ang Pilipinas na yata ang pinakamaraming artistang politiko. O at least ginagawang stepping stone kumbaga ang pag-aartista bago mamulitika. Kapag nakabuo na ng jologs fanbase tsaka tatakbo sa halalan. Pero wala naman talaga silang alam sa tamang paggawa ng trabaho nila. Bukod sa artista, nandyan din ang mga napatunayang kriminal, mga suspek sa pagnanakaw sa gobyerno, suspek sa murder, napatunayang nang-rape, napatunayang nandaya sa halalan, pangulo na gustong maging kongresman (tsktsk), baklang chikador, pasexy star… parang sirkus lang ang pulitika dito. Makikita mo rin sa larawan pa lang yung mga tipong magnanakaw lang at magpapasarap. Nandyan yung mga nakangisi sa larawan nila na mukhang may maitim na singit, este balak.
Tila naman humahalimuyak tuwing panahon ng kampanya dahil sa mabubulaklak na pananalita ng mga kandidato. Nandyang magsasabi sila na tatapusin ang kahirapan, tatapusin ang katiwalian, pauunalarin ang buhay, susugpuin ang kasamaan, magbibigay ng trabaho, bababa ang presyo ng bilihin, magkaka-helicopter ang bawat Pilipino at iba pang mga pangungusap na tiyak na makakatanggap ng pasadong marka sa pandinig ng masang tamad mag-isip.
At bago pa tuluyang mahalal sa pwesto ang mga buwitre, dadaan muna sila sa matinik at walang sinasantong Comelec. Sila ang pinakamagaling na komisyon sa Pilipinas. Hindi sila inutil. Punong-puno sila ng kwenta. Magaling. Laging handa. Hindi na nila hinihintay na may magreklamo pa dahil lang nagsabit si ganito ng poster sa maling lugar. Diskwalipikado agad yan basta’t nandyan ang ebidensya. Lumampas sa oras na palugit sa kampanya sa TV? Sos, wag ka nang umasang matutuloy pa ang kampanya mo. Dahil yari ka sa Comelec, ang matikas na tagapagbantay sa maayos, malinis, walang aberya, walang dayaan, pantay at world-class na halalan.
Pagkatapos ng bilangan ng boto at nakaupo na sila sa pwesto, ayan na. Party time na para sa mga napili ng mga Pilipinong naloko, nagpaloko, nabusog, napatawa, nabili, naholdap at natakot ng mga kandidato. At good luck talaga sa Pilipinas kapag nanalo ang mga kagaya ni Lito Lapid at ni Ara Mina. *hikab*
Apir!