Nireklamo noong ika- 1 ng Okt 2009 sa Bayan

Delubyo

Hindi ko na siguro kailangang magkwento ng karanasan ko sa nangyaring baha nung Sabado. Masyado na sigurong marami kayong nabasang mga experiences ng pakikipaglaban sa agos ng tubig. O baka kayo ren mismo e naabutan ng baha o nakulong ng mahabang oras sa bus.

Nakakatakot isipin na yung ilang oras lang na ulan e kaya nang magpalubog ng Maynila. Daan-daan agad ang namatay. Hindi pa nga kalakasan ng hangin nun e, mabuti na lang. Pero yung biglang paglaki ng tubig sa mga ilog e hindi lang natin masisisi sa siyam na oras na pag ulan. Aminin man natin o hindi , malaki ang kasalanan natin kung bakit ganun na lang ang pagtaas ng tubig dito sa atin. Puro kase basura ang mga kalsada, ang mga ilog, ang mga kanal. Bukod pa sa usok na binubuga ng mga pabrika, ng mga sasakyan, at ng mga bungangang nagyoyosi, ang pagtatapon ng basura kung saan-saan ang isa sa mga dahilan kung bakit tayo agad binaha. Dagdag pa dito ang walang habas na pagputol ng mga puno para tayuan ng mga mall na tinatambayan ng mga jologs.

Kahit naman siguro kung sino ang magdadakdak at papagalitan ang mga taong tapon ng tapon ng basura, wala ren mangyayari kung hindi ren naman tumatanim sa kukote ng mga tao. Kung karamihan sa atin ay mga walang disiplina sa pagtatapon ng basura, wala reng halaga yung mga pangangaral. Tapos magmamalinis tayo at tutulong sa mga nasalanta ng bagyo. Hindi natin alam ay isa ren tayo sa mga tumulong upang malunod ang mga naging biktima. Hindi natin alam na isa tayo sa mga tumulong para malubog ang maraming sasakyan, bahay at ari-arian. Akala natin e kalikasan lahat ang may gawa.

Tsaka na muna ang apir. Nakakapanlumo…

Nireklamo noong ika- 27 ng Set 2009 sa Buhay-buhay, Sarili

Papisil

Nung isang gabi e nag-iinit ako ng tubig para magluto ng aking hapunan na pansit kanton. Sa kasamaang-palad ay masyadong manipis yung nagamit kong panghawak dun sa mainit na kaserola kaya eto at napaso ang aking kaliwang hinlalaki. Syempre nagkaroon ng lapnos yung kaliwang hinlalaki ko. Nung una lang naman sya masakit. Tapos isang araw lang e hindi na. Pero hindi yung katangahan ko ang nirereklamo ko.

Ang problema ngayon e masyado akong natukso na pisil-pisilin yung lapnos. Nakakaaliw kase, tapos ansarap butasin kase nga may tubig sa loob. E nabutas nga. Arggh! E di ayun, masakit na sya ngayon. Kase hindi pa magaling. At wala na yung cover nya na balat.

Bakit ba naman kase pag may mga ganito tayo sa katawan e ansarap kalikutin? Pag may sugat na malapit na gumaling, e parang ansarap kutkutin minsan. Kaya ayun lalong tumatagal ang paggaling. Naalala ko tuloy dati nung may bungang araw ako sa likod. E di ba makati yun? E kahit na masakit dahil sa kakakamot e sige pa ren. Kahit nga yung tigyawat na masamang tirisin e sige lang.

Sumpa yata ito sa genetic code nating mga tao, ang kumalikot ng mga tumutubo sa katawan natin.

Apir!

Nireklamo noong ika- 23 ng Set 2009 sa Buhay-buhay, Sarili

Ang Tipo Kong Trabaho

Ang trabaho ko sa ngayon ay malayo sa natapos kong kurso nung kolehiyo. Medyo nakakabadtrip pero walang magagawa. Ito ang available sa ngayon kaya tiis na lang muna. Sa bagay, mas mataas naman ang sweldo kaya pampalubag-loob na ren. Pero meron akong ideal na trabaho.

Walang partikular na trabaho, pero yung sa job description e maraming pwedeng mag-fit. Gusto ko yung tanghali ang pasok, kung day job. Pero mas gising ako pag gabi, at tsaka hindi na ako sanay ng natutulog sa gabi e. Pero kung panggabi naman, gusto ko e umagang-umaga ang uwi. Masarap kase umuwi nung mejo madilim pa at konti pa lang ang tao sa kalye. Tapos dadaan sa bakery at magpapan de sal pag uwi, katambal ng mainit na sopas. Okay lang kung may uniform man o wala, basta kung may uniform e wag lang yung puti o mga light na kulay. Walang mahigpit na dress code, hair code, style code at kung anu-ano pang pausong code sa itsura. Tapos yung walang sisita sayo kapag nagsasalita ka ng Tagalog. Tapos may sarili kang station, kahit maliit na cubicle lang. Tapos may sarili kang computer. At may internet access na hindi naka-block ang mga social networking sites. Okay lang kung nakablock yung masyado nang hindi appropriate talaga. Inggit kase ako kay JohnLloy (well, marami namang naiinggit sa kanya) dahil nakakapag plerk, fesbuk at nakakapag DJ pa habang nasa trabaho hahaha. Tapos shempre gusto ng lahat yung masarap sa bulsa ang sweldo. Di naman ako naghahanap ng masyadong mataas na sweldo, basta tama lang na mabubuhay ako at may nabibiling konti para sa sarili ko. Sana parang tropa na ren ang mga kasama sa trabaho para walang superiority complex at kung anu-ano pang shit na nakikita sa workplace.

Ang ayaw ko naman sa trabaho e yung kumukuha pa ren ng oras mo kahit nasa labas ka na. Kagaya ng pagtuturo. Nasa labas ka na ng eskwelahan pero pag-uwi mo sa bahay e may gagawin ka pa. Halos wala nang oras para sa sarili. Gusto ko kase pag-alis ko ng trabaho e sarili ko na ang iniisip ko at hindi na yung trabaho. Hindi gaanong nakaka-stress pag ganun.

Hindi naman ako nagrereklamo sa trabaho ko ngayon. Masarap lang imaginin yung trabaho na gustong-gusto mo.

Apir!

Nireklamo noong ika- 20 ng Set 2009 sa Bayan

Ereksyon

Walang tinitigasan sa post na ‘to, sos. Naisip ko lang na ganyan ang basa ng mga Hapones sa salitang election. Yung mga kakandidato siguro marami na ang tinitigasan sa kanila. Sobrang excited na manalo. Sobrang excited na sa pangangampanya. Isang taon pa ang eleksyon pero nandyan na ang mga pagpapasikat at pagpapayabang kabi-kabila. Meron na ding naglalaglagan ng mga dating kaibigan. At merong nagsasanib-pwersa para sure win ang partido nila.

Hindi ako madalas manood ng tv kaya ganun na lang ang aking pag-iisip ng mapanood ko ang mga pakulo ng mga kakandidato sa isang taon. Sa mga napanood kong pangangampanya, ang tema ng lahat ay dapat iboto n’yo ako dahil mahirap ako dati. Isa-isahin natin.

Si Villar ay laking Tondo. Syempre pag sinabing Tondo, una nang pumapasok sa isip naten ay ang napakaraming squatters at kung anu-anong krimen. Butas ang bubong ng bahay nina Villar dati, kawawa naman. Kaya nung yumaman sya, namigay sya ng mga bahay sa mahihirap.

Etong si Roxas (oo, alam ko di na sya tatakbo) naman e nag-upgrade mula sa Mr. Palengke sa pagiging Boy Padyak. Sa campaign ad ay makikitang pinagmaneho nya ng pedicab ang dalawang bata dahil hirap sila sa buhay.

Itong si Binay naman (oo sya ren wala na daw) e pulubi nung bata pa. Tapos yung mga friends nya e pinagtatawanan sya pag dumadaan at nakikita syang naglilinis ng kulungan ng baboy. Pero nangarap sya na uunlad ang buhay at ngayon mayor na sya ng Makati.

Tapos yung kay Fernando wala kase akong makita e. Pero isipin nyo na lang na nakikibarkada sya sa mga tropa ng mga construction workers at mga urban workers. Tapos poging pogi sya.

Pangsasamantala sa sikolohiya ng mahihirap na mamamayan ang nakikita nilang epektibong paraan para ibenta ang sarili nila. Kaya gagastos sila ng libo at milyon para magbayad sa paggawa at pagpapalabas ng mga commercial nila para sila na mismo ang magsabi sa mga Pilipino na iboto sila.

Sa tingin ko kase, kung totoo kang lingkod ng bayan, hindi mo na pinangangalandakan sa mga tao na tumutulong ka sa kanila. Dahil yan talaga ang trabaho mo. Kung ikaw ba nasa isang opisina, pinagmamayabang mo ba sa mga katrabaho at kliyente mo na ginagawa mo ang trabaho mo? Hindi. Dahil inaasahan na yun. Dapat mo talagang gawin yun. Ngayon kung gusto mo ng extra credit at paghanga ng mga tao, gumawa ka ng sakripisyo para sa trabaho mo. Magbigay ng tulong galing sa sariling bulsa, wag maglagay ng kung anu-anong shit na nagsasabing proyekto mo yung ginagawang tulay,? at maging simple sa pamumuhay. Dati ko pa nga iniisip na kapag naging politiko e dapat nagiging mas mahirap ang buhay. Pero hinde, dahil dito sa atin, pag politiko e lalong yumayaman kahit mas mataas pa ang sweldo ng mga nasa call center sa kanila.

Sa totoo lang, wala na akong mapagkatiwalaang politiko ngayon. Wala akong makitang dapat na iboto. Dito kase sa bayan natin, hindi na batayan kung sino ba sa mga kumakandidato ang hindi magnanakaw sa bayan. Ang tanong na natin ay sino ang pinaka-konti ang nanakawin?

Apir!

Boy Bati

Kumusta? Mabuti naman kung ganun. Ako si boy batikos. Boy bati for short. Salamat sa pagbisita sa blag-blagan ko.

Ang mga sinusulat ko dito ay laman lang lahat ng utak ko at pawang mga opinyon ko lang. Kung may natatamaan sa inyo, I'm not sorry. Pumalag na lang kayo kung gusto n'yo.


Maghalungkat

Mumunting Reklamo

Makigulo Na


Iba Pang Reklamo

Mga Kategorya

Kablag

Mga Reklamador na Nagbabasa

  • may isang reklamador na nagbabasa ngayon