Maraming nagsasabi na tanggap na ngayon sa lipunan ang mga bading. Pero sa mga bagay na nakikita at nadidinig natin sa araw-araw, hindi ganito ang mabubuo nating buod. Oo nga’t normal na silang nakakasalamuha natin sa araw-araw nating gawain o pupuntahan pero marami pa ring mga bagay at pangyayari na magpapatunay na napakaliit pa lang ng pagkilalang ibinibigay ng lipunan sa mga bading.
Una na dito ang paggamit natin sa mga salitang bading at bakla. Sa totoo nitong kahulugan, ito ay tumutukoy sa isang lalake na ang gustong karelasyon, katalik, kasintahan at/o ka-ibigan ay kapwa n’ya lalake din. Pero maraming beses na ginagamit natin ito na iba ang kahulugang ibig nating sabihin. Kagaya na lang ng, Ano ba yan lampa, parang bading. O kaya ay, baklang-bakla ang pagsayaw mo ah. Sa unang pangungusap ay parang sinasabi na ang mga bading ay lampa. At sa ikalawa naman ay parang sinasabi na walang buhay o napakalamya magsayaw ng mga bading. Ang mga ito ay pawang hindi totoo dahil marami namang hindi bading na lampa, at marami namang bading na hindi lampa. Ganun din sa ikalawang pangungusap. Pero madalas natin ginagamit sa ganitong konteksto ang salitang ito.
Maraming mga magulang ang nagagalit, nanghihinayang o nanlulumo kapag nalamang bading ang anak nila. Marami rin ang pinagtatawanan kapag umaming bading sila. Meron man silang pantay na estado pagdating sa karapatang magtrabaho pero sa trato ng mga nasa paligid sa pagkatao nila ay kitang-kita pa din ang pangungutya at hindi lubusang pagtanggap.
Hindi naman ako nagmamalinis. Nadudulas din ako at nagagamit ang mga salitang nabanggit sa maling konteksto. May mga pagkakataon din na natatawa ako sa mga larawan, palabas at mga bagay na tungkol sa mga bakla. Pero may mga kaibigan din akong bakla at hindi ko sila hinuhusgahan sa kanilang desisyon. At nililinaw ko lang, medyo malayo pa naman ako sa pagiging bakla.
Afir!
Napansin n’yo naman siguro antagal na nakatiwangwang ng blog ko, parang yung mga lupain ng mayayaman na hinahayaan lang tubuan ng gubat imbes na ipagkatiwala sa mga pulubing nangangailangan din ng mapapagkakitaan. Ito marahil ay sa katamaran ko ngayong mga panahong ito. Pati na din ang pagkatalo ni Jamby sa pagkapangulo.
Pero kung mapapansin ninyo, merong pakonti-konting nagbabago sa tagiliran ng pahinang ito. Tingnan mo dali! Dun o, sa may kanan. Ayun, yung mumunting reklamo. Para sa mga illiterate kong fans, ang tawag d’yan ay microblogging, kung saan magba-blog ako, pero konti lang sasabihin ko. Mas masaya pati yan,kase mas maraming pumapalag sa mga sinasabi ko. Mas maganda kung may account ka d’yan para masundan mo talaga s’ya araw-araw at makapalag na ren.
Kaya kung sa tingin n’yo ay maghapon lang ako natutulog imbes na halughugin ang utak ko para sa mga panggugulo ng utak ng iba na isusulat dito, mangilabot kayo. Kumakain din naman ako. Isang beses nga lang kase ang lintek na kompanyang pinagsilbihan ko ay panay ang palusot para lamang hindi maibigay ang aming huling bayad.Magaling!
Apir!
Balik ulit ako sa buhay kong tambay sa bahay. Kakatapos lang kase magbawas ng empleyado ng magaling na kompanyang pinagtrabahuhan ko. Ayoko din naman maiwan kase masyado nang malala ang hindi magandang kondisyon para sa mga empleyado. At isa pa e pagod at nasasawa na din ako.
Hindi naman yung pagkatanggal sa akin ang sa tingin ko e mali. Sa totoo lang e pwede naman akong hindi tanggalin dahil maayos naman ang QA ko pati na ang attendance. E kung ikaw ba naman ang walang absent at late sa buong buhay mo dun sa kompanya e tatanggalin ka ba nila? Ako din naman ang pumili na magpatanggal na. Dapat nga e magpapasa na ako ng resignation pero hinintay ko na lang ito para naman madagdagan ang huling bayad ko.
Hindi lang talaga kase magandang tingnan yung nangyari sa amin. Una e nag-recruit ng napakaraming empleyado (300) pero matapos lamang ang dalawa o tatlong buwan e nagbawas na agad ng kalahati noon. Hindi naman makareklamo ang mga bago dahil contractual pa lang sila. Matapos yun ay kinausap kami ng administrasyon at sinabing safe na kami at asahan na magiging stable na ang account. Pero makalipas lamang ang isang buwan ay hayan at nagtanggal ulit. Kalahati na naman ang tinanggal nila. At matapos lamang ang dalawang linggo e 25 na lang ang ititira.
Ang masama pa noon ay tinanggal nila yung mga empleyadong taon na ang binilang ng pagtitiis sa maliit na sahod, katawa-tawang benepisyo at hindi kagandahang pasilidad. Ang itinira nila e yung wala pang isang taon ang ginugugol sa kompanya. Meron ngang tinira na akalain mong nagte-training pa lang. Tapos yung bisor na napakasipag at matagal na ding nagsisilbi sa kanila e pinabayaan lang hanggang sa mapilitang umalis na din.
Kahit sino sigurong taga-labas ang makaalam e sasabihing tanga ang administrasyon. Yung tipong hindi alam ang ginagawa. Pinapalayas ang mga empleyadong naging loyal na sa kanila sa gitna ng hindi nakakatuwang kondisyon at ang iniwan e yung mga walang karanasan. Mabuti na lang at meron akong pinagkakaabalahan din dito sa bahay kaya kahit siguro hindi na muna ako humanap ng bagong trabaho e ayus lang.
Sa tingin ko naman e mahalaga lang sa may-ari ang makabili ng magandang kotse. Ah basta, pagkatapos nito ay wala na akong pakialam. Basta’t huwag lang madelay ang huling sweldo ko e ayus na.
Apir!
Likas na nga siguro sa ating mga Pinoy ang pagiging mayabang. Inglesin mo man ito na proud o boastful e wala na sa akin, basta mayabang. Yung yabang na tipong pag may nakitang maganda sa sarili e todo payabang na agad. Pero ituro mo yung mali, o sabihan ng konting puna at panlalait e naghuhuramentado na agad. Parang yung kababata mong sinumpa mo ng ilang ulit dahil sa ganitong ugali.
Kamakailan ay nakita ang Jolibee sa TV show na Glee. Ewan ko naman ba at bigla na lang nagsayawan yung mga kabataan sa loob ng mall. Dun sa napanood kong clip e parang nakalakad yung batang lumpo, kaya sinampolan nya ng moves yung babaeng kasama nya. Tapos naki-join na ren sa sayaw yung iba. Sounds familiar, hmm. So, nagkataon naman na malapit sila sa Jolibee store doon kaya nahagip ito sa kamera. Nang mapanood ito ng mga Pinoy ay kanya-kanya nang post ng pagmamayabang sa mundo na ang isa sa pinakasikat na kainan sa Pilipinas ay nakunan ng video sa isang Amerikanong palabas. Big deal!
Oo, kuha ko na yung pinagmamalaki n’yo ang lahing kayumanggi (kung naggu-gluta ka, di ka kasali dito). Pero kelangan ba talaga ganun ka-big deal yun? Oo, Pinoy din ako at matakaw ren ako kumain sa Jolibee (lalo na yung spicy chicken na di mapapantayan ng McDo at KFC), pero siguro kung nakita ko ang Jolibee sa Amerkanong TV show na pinapanood ko, matutuwa lang ako. Tuwa na, Uy Jolibee o. Pero hanggang dun na lang yun. Malamang e hindi ko na ipagyayabang kung saan-saan na yung paborito kong kainan e nakita sa TV show ng mga banyaga. Tayo lang yata ang lahing ganyan. Wala pa akong nababasang artikulo na ang mga Amerkano e pinagmamalaki sa mundo na nakita sa TV ang McDo. Meron pa nga akong nakitang headline na na-feature daw sa Glee ang Jolibee. Waw, napaka-delusyonal na talaga. Feature na pala yung nahagip lang ng sandali yung logo at pangalan ng Jolibee. Panalo sa babaw mag-isip ng ilang Pilipino. Mabuti sana kung may kahit dalawang segundong full screen ang logo at pangalan ng Jolibee. O kaya nandun man lang yung mascot. Sos…
Hindi lang naman ngayon nangyari ito. Kahit kapag may isang taong nakitang magaling sa isang sining o kung ano man at pinarangalan o kinilala sya sa ibang bansa, tapos may lahing Pilipino, kahit gaano pa kaliit yan, basta mahalungkat ang lahi nyang Pilipino, aangkinin na agad yun ng mga Pinoy na “sa kanila.” Bigyan n’yo naman ng break yung tao. Hindi ba pwedeng magaling lang s’ya dahil sa sarili n’ya? Kelangan talagang magaling s’ya dahil Pilipino s’ya? Kelangan laging credited ang lahing Pinoy ‘pag may achievement na nakukuha? Pero pag kahihiyan, ganun na lamang ang pagtakwil n’yo?
Sa pag-obserba ko sa ganitong ugali ng mga Pilipino, naisip ko na mababa ang self-esteem naten bilang isang lahi. Dahil na din siguro ito sa naging kasaysayan natin sa kamay ng mga banyagang puti. At sa mga ganitong bagay kung saan nakikilala o nakikita ang mga tao o bagay na pwedeng ikabit sa lahing Pinoy ay nabibigyan tayo ng kumabaga e boost sa ating morale. Dahil sa inferiority complex natin sa ibang bansa, nagkakaroon ngayon ng compensation kapag nakakakita tayo ng mga ganitong bagay. Kaya kahit simpleng bagay na sa totoong buhay e hindi ganun kahalaga e ganun na lamang ang pagkamakabayan ng mga Pinoy. E kung sana yung ganito kalaking suporta sa simpleng kainan e binuhos n’yo nung eleksyon sa karapat-dapat na mamuno, e di sana hindi puro circus clown ang top 3 sa mga kandidato sa pagka-pangulo.
Apir!