
Noong nakaraang taon ay naging panauhin ng wasak na programa sa radyong tinatawag na The Brewrats si Ginoong Emer Rojas. Kung hindi n’yo s’ya kilala, isa s’yang personalidad sa radyo dati. Wala na s’yang regular na programa ngayon dahil wala na ang kanyang normal na boses. Kung hindi n’yo pa ito napapakinggan ngayon, ang boses nya ay para nang sa robot. Ito ay dahil sa inalis na ang kanyang vocal cords sa lalamunan dahil sa isang uri ng kanser na dulot ng paninigarilyo.
Si Ginoong Rojas ay pumupunta sa bawat paaralan dito sa Metro Manila bilang kampanya sa pagbibigay ng edukasyon sa mga kabataan ukol sa napakasamang dulot ng paninigarilyo. S’ya din ay nagiging panauhin sa iba’t-ibang mga okasyon upang magbahagi ng kanyang karanasan at magbigay ng halimbawa sa mga kabataang pwede pang tumalikod sa kanilang nakamamatay na bisyo.
Nagkaroon din ng dokumentaryo sa telebisyon ang kampanya ni Ginoong Rojas sa programang I-witness sa GMA 7. Hindi ko ito napanood dahil isa akong urban poor at walang telebisyon. Kaya nang makuha ko sa Brewrats ang kanyang e-mail address ay agad akong humingi ng video na ito. Noong Pasko ko natanggap ang link kung saan naka-upload ang mga video sa channel ni Ginoong Howie Severino (host ng I-witness).
Nais kong ibahagi ang mga video na ito dahil alam kong karapat-dapat lamang na mabigyan ng tamang impormasyon tungkol sa paninigarilyo ang mga Filipino. Mapapansin ninyo na sa dokumentaryong ito ay ipinapakita ang pagiging ipokrito, ignorante at sakim ng mga taong kumokontrol sa industriya ng tabako. Marami din ang hindi talaga alam kung ano talaga ‘yung sinasabi sa mga patalastas dati na masama sa kalusugan ang paninigarilyo. At marami na din ang hindi agad maalis ang bisyong ito.
Sana ay makatulong ang video na ito sa mga gustong malaman ang magiging kinabukasan ng mga naninigarilyo. Mas maganda kung ipamahagi n’yo din sa iba. Ituro ang link na ito, o kahit dun sa video sa Youtube. Ito ay bilang suporta natin sa kampanya laban sa paninigarilyo. Sana ay mabawasan na ang mga walang pakundangan kung makapagsigarilyo kahit saan.
http://www.youtube.com/view_play_list?p=ADC8E46107D6DD4E
Ang html code para ilagay sa website ninyo ang playlist na ito:
<object width="480" height="385"><param name="movie" value="http://www.youtube.com/p/ADC8E46107D6DD4E" /><embed src="http://www.youtube.com/p/ADC8E46107D6DD4E" type="application/x-shockwave-flash" width="480" height="385"></embed></object>
Pansinin: Ang blog na ito ay walang koneksyon kay Ginoong Emer Rojas o kay Ginoong Howie Severino at lahat ng mga sinabi ko dito na pwedeng makatama sa ilang mga tao (guilty!) ay nanggaling lahat sa akin.
Apir!
Kapag may nagtanong sa inyo kung saan n’yo nalaman na ang salitang abroad (kadalasan ay binibigkas na ab-rod dito sa Pilipinas) ay nababanggit ng 2,357,082 beses sa isang araw, sabihin n’yo ay dito lang yan mababasa sa Mga Reklamo atbp. ni Boy Batikos.
Pero sa seryosong usapan e madalas talaga mabanggit ang salitang ito dito sa Pilipinas. Kahit kasi Ingles ito ay parang naisali na din natin sa ating bokabularyo. Dahil nga sa maraming mga nangingibang-bayan na mga Pilipino upang doon magtrabaho at gumawa ng kung anong gusto nila sa buhay ay kadalasang sasabihin ng mga kamag-anak nila na “Si ano ay nasa abrod.” “Papunta si kwan sa abrod.” “Gusto ko ding magtrabaho sa abrod.” “Galing sa abrod ang bago kong pampabango ng kili-kili.”
Ngunit alam n’yo ba na ang ganitong paraan ng paggamit sa salitang ito ay mali? Hindi ko na ito gawa-gawa. Kung susuriin natin ito base sa itinuro ni Ma’am Loida noong Grade 3 ako ay mali talaga. Wrong grammar kumbaga.
Sa isang pangkaraniwang diksyunaryo ay mapapansin natin na ang salitang abroad ay pwedeng gawing pangngalan (noun), pang-uri (adjective) o pang-abay (adverb). Ibig sabihin, kapag isinalin sa Ingles ang pangungusap na “Gusto ko ding magtrabaho sa abrod” ay magiging “I also want to work in abroad.” Parang mapanghe pakinggan, ano? ‘Buti sana kung konyong urban poor ang nagsalita at matatanggap pa ‘yan hahaha. Mali yan kase ang pagkagamit sa salitang abrod sa pangungusap na ito ay pang-abay. Ayon sa itinuro ni Ma’am Loida noong Grade 3 ako, ang pang-abay ay nagbibigay turing sa pandiwa (verb), pang-uri o isa pang pang-abay. Sa nasabing halimbawa, tinutukoy ng salitang abrod ang salitang magtrabaho. Pandiwa ang salitang magtrabaho; samakatuwid, ang salitang abrod ay ginamit bilang pang-abay. Kung wala kang naintindihan sa mga pinagsasabi ko, bagsak ka siguro sa Filipino noong elementary.
Ngunit dahil sa tila naangkin na din natin ang salitang ito ay ginagamit na din natin sa sarili nating balarila (oo, yan ang Tagalog ng grammar). Hindi naman gaanong halata talaga ‘pag sa Tagalog na pangungusap na ginamit e, kaya hindi s’ya talaga mapapansin agad. Kapag wala ka lang talagang magawa sa buhay mo at may oras ka pang magsalin sa Ingles ng mga pangungusap na naririnig mo, ay madali mo itong mahahalata.
Ewan ko lang kung meron pang ibang nakakapansin nito maliban sa akin. Hindi naman ako isang perperksyonisto, pero wala lang, napansin ko ‘yun e. Panget naman siguro kung ‘yung isang mali e hahayaan nating maging mali, kahit na sa isang walang kabuluhang paksa gaya ng paggamit ng salitang abroad.
Apir!
Dapat masaya pag Pasko e ‘di ba? Masaya naman ako. Pero ang mahirap e wala talaga akong pera huhuhu. Buti na lang at kahit nagsiuwi mga kasama ko dito sa bahay e kasama ko naman ang bespren ko na magdiwang ng Pasko. May handa din naman ako kahit papaano. Isang gayat na tinapay na may palamang Star margarine. Pampalaki. Ng kwan. Hahaha.
Meri krismas na lang sa lahat.
Apir!
Disyembre na naman. Ilang araw na lang at pasko na. At wala pa din akong pera. Pero hindi yan ang gusto kong pag-usapan ngayon, dahil lalong nakaka-bato. Ang gusto kong ireklamo ay yung mga batang araw-araw at gabi-gabing nangangaroling. Walang pinipiling lugar, tao at oras. Magugulat ka na lang kung natutulog ka sa jeep tapos biglang may kakalampag na lata ng gatas na nilagyan ng plastic sa isang dulo para maging drum, at dalawampung tansan na naka-ipon sa kawad para maging tambourine. Sabay kanta ng “Sa may bahay ang aming bati…”. Kahit umagang-umaga pag papasok ka sa trabaho, hanggang sa gabi pag pauwi ka na; may mga batang aakyat sa jeep at bigla na lang mangangaroling. Pag uwi mo sa bahay mo ay nandyan pa din ang mga paslit na walang palya sa bawat gabi na pupunta sa inyo para mamasko daw.
Hindi naman sa galit ako sa mga nangangaroling o sa mga bata, pero ang nakakainis lang dun ay ginagawa na ding paraan ng panlilimos ang pangangaroling. Nung bata pa ako sa probinsya ay nangangaroling din kami ng mga pinsan ko o mga kaibigan. Pero yung pagkanta namin at pagpunta sa mga bahay ay dahil talagang masaya kami at talagang trip namin yun. Yung papaskong pera ay bonus na lang. At hindi din ito gabi-gabi ginagawa. Sa mismong gabi lang ng pasko namin ginagawa yun. Ang napansin ko pa ay parang may pinakang lider ang mga batang ito dahil kahit san ako mapunta dito sa Maynila ay palaging “Sa may bahay…” ang unang kinakanta, tapos automatic na ang kasunod nun ay “We wish you a merry christmas…” Palaging ganun yun. Pag tapos na yung dalawang kanta at wala pa ding papasko ay Jingle Bells naman. Kahit saan yan, ganyan palagi ang nadidinig ko.
Pero aaminin ko din na hindi ako masyadong ganado sa pagbibigay ng mga papaskong kung anu-ano na yan. Kaya kawawa talaga kapag may tumatapat dito sa bahay. Maging mga batang namamalimos o mga totoong nangangaroling, ay nakasimangot lahat sa pag-alis sa tapat ng gate namin. Dahil walang nakuha kahit limang piso. Siguro kung talagang may choir at mga tugtog pa.
Alam ko naman na walang mga batang lansangan na nagbabasa nitong blog ko. Ang hindi ko alam ay kung kailan sila madadala at matututo na walang nagbibigay ng papasko kapag nangangaroling sila sa mga jeep, taxi at FX.
Pero siguro kung malaki ang kita dun ay baka nagsimula na din akong mangaroling noon pang Nobyembre.
Apir!