
Marami na din siguro kayong nabalitaan na mga kung anu-anong balita na may mga Pinoy na inaapi kung saan-saan sa mundo. O kaya e mga bagay na ginagawa ng mga taga-ibang bansa na nakakasakit sa damdamin ng mga Pinoy. Ang natatandaan ko e yung biscuit na ang pangalan e Filipino. May alam din ako na ang tawag sa mga Pinoy na nars e “chinks” (ewan ko kung bakit naman nakakasakit ito). Tapos yung mga pinarating sa TV show na Desperate Housebitches na pag galing dito sa Pinas e malamang peke na doktor ka.
Ang karaniwang reaksyon naman nating mga Pinoy e iinit agad ang dugo. Syempre mahal na mahal natin ang ating bayan. Taena sino ba namang hindi magagalit, ‘di ba? Ayun kung anuanong protesta at mga shit ang ginagawa para iparating sa mundo ang ating pag kondena sa mga ganitong bagay.
Pero hindi natin siguro napapansin na tayo mismong mga Pinoy e mga promotor din sa diskriminasyon at racism (pota ano ba tagalog nito rasismo? ang sagwa e). Isang halimbawa na lang e ang pagtawag natin sa mga Aprikano ng Negro/Negra (pasintabi po). Alam man natin o hindi, ang salitang ito ay masama para sa kanila. Ang pagkakaintindi ko kase e ito ang tawag sa kanila noong panahong ginawa silang alipin ng mga puti. Kaya pag tinatawag natin sila ng ganito e alipin pa rin ang tawag natin sa kanila. Kapag may kakilala din tayong hindi kaputian ang kulay ng balat (gaya ko), negro na agad ang tawag natin. Aray. Tapos usong-uso pa ngayon yang lintek na mga pampaputi na yan.
Isa pang halimbawa ay ang pagtawag natin sa mga Indians ng Bumbay. Kapag tinawag na Bumbay, iniisip na agad natin na ito ay yung mga taong nagtitinda ng kulambo, timba, tabo at kung anu-ano pang gamit pambahay. Noong bata pa ako, pantakot sa amin ng mga matatanda yang mga bumbay na yan. Nangunguha daw kase sila ng mga bata at sinisilid sa sako. Ampota takot na takot at galit na galit ako sa mga bumbay dati. Nung nalaman ko e napasabi na lang ako, “potakte naman itong mga matatandang ito, sila pa ang promotor ng mga kagaguhan sa ibang taong walang malay.”
Wala na ren akong maisip maidugtong. Ang aral na mapupulot dito ay isipin muna ang sasabihin sa ibang tao dahil hindi natin alam kung makakasakit tayo. Parang medyo malayo pero parang ganun na rin yun. Basta.
Apir!
Wala naman talaga akong maisip pa na matinong ipopost. Pero natatawa kase ako sa mga search terms na ginagamit ng mga tao para maligaw dito sa blag-blagan kong ito. Ang mga regular na bisita ko dati ay mga estudyante ng hayskul. Meron din siguro sa college, ewan ko. Merong mga halatang tambay lang sa bahay. Shaks, meron pa ngang gusto yatang mag-adik e. Tapos ngayon e naliligaw na din dito yung mga gustong manood ng porno.
Marami sa mga naligaw dito ay naghahanap ng kasagutan kung bakit masama ang alak, droga at paninigarilyo sa katawan. May ilan naman akong mga artikulo tungkol dyan kaya ayus na ren at least nakatulong ako sa kanila kahit papaano. Meron ding naghahanap ng kasagutan sa mga assignments nila at dito naligaw sa kahahanap ng mga kantang may pang-abay. Potek, halos lahat naman ng kanta e may pang-abay e. Yung Gin Pomelo ng Radioactive Sago Project lang yata ang walang pang-abay.
Ang medyo wala na sa lebel ko ay yung mga naghahanap ng serbisyong punerarya, payo ng ninang sa kasal, paano gumawa ng droga, at ang matindi: kung saan pwedeng manood ng porno. Pinoy na pinoy talaga sa paghahanap ng porno ah hahaha.
Apir!
Noong isang linggo ay dumating na ang isa sa pinakamalungkot na pangyayare sa Pilipinas. Ito ay ang oath-taking ng mga bagong pasang nars. Malamang nung araw na yun ay masaya ang mga nanumpa at mga magulang, anak at kamag-anak nila. Isa ito sa pinakamalungkot dahil halos apatnapung-libong mga nars na naman ang magiging certified bum. Swertihan na lang yan? kung may makapasok sa ospital. Yung makakapasok ay malamang may malakas na backer sa ospital. Swerte din yung makakaalis agad papunta sa ibang bansa.
Hindi ako gaanong nasisiyahan para sa kanila pero binabati ko naman sila sa pagkapasa sa board exam. Nakakaligalig talaga yang exam na yan. At pag naipasa mo na ito e pakiramdam mo e kayang-kaya mo nang maabot ang lahat ng bagay. Syempre ganyan din ang naramdaman ko dati. Pero talagang magulo ang buhay at kailangang may malakas na koneksyon para mas mataas din ang tsansa mo na magkatrabaho, lalo na ngayon at walang mga ospital na tumatanggap ng mga bagong empleyadong nars. Wala kaseng pansweldo at nandyan naman ang mga nagvo-volunteer kaya ayus na ren para sa kanila.
Ang maganda sigurong gawin sa ngayon ay mag-training na lang muna para sa IV therapy, ECG interpretation, BLS at ACLS, at mga critical care training. Marami dyan, hanap lang kayo. Tingnan n’yo ito at ito kung ok sa inyo. Pwede rin na kumuha na ng mga exam para ma-qualify sa ibang bansa gaya ng IELTS at NCLEX-RN. Pwede ren na mag-volunteer sa mga ospital. Maganda sa PGH-ER, subukan nyo.
Nakakainis na din minsan na ang dahilan kaya dumadami ng ganito ang mga nars na walang trabaho e dahil sa mga magulang. Oo alam ko na puro kabutihan lang ang gusto nila para sa mga anak nila (at syempre para sa kanilang sarili din) kaya gusto nila pakunin ng nursing course ang mga anak nila. Ang alam kase nila, pagka-graduate at maipasa ang board exam ay may magandang trabaho na naghihintay sa ospital at sa ibang bansa tapos sunod dun e pera na agad. Hindi nila alam kung gaano pa kalayo yung iniisip nila na yun kahit na naipasa na ang board exam. Unang-una ay kailangan talaga ng trabaho dito, lalo na sa mga malalaking ospital. Yan ang kadalasang hinahanap ng mga employer sa ibang bansa. Meron naman na ang kailangan na lang ay pera. Kung meron kang hanggang kalahating milyon e madali na makaalis papunta sa UK, Australia o Canada. Pero kung wala, e tyaga ka na muna sa kung anong makita mong trabaho dito.
Hindi ko alam kung hanggang kailan tatagal itong pagdami ng mga nagiging nars dito sa Pinas. Hindi ko naman dini-discourage yung mga gusto talaga, basta ang akin lang e sana e talagang gusto nyo yang kinukuha ninyong kurso para sa huli e hindi kayo magsisisi. Minsan kase e masama ren makinig sa mga payo ng magulang.
Apir!
Alam kong hindi ako nag-iisa sa problemang ito. Nagresearch ako sa internet at nadiskubre ko na hindi ako abnormal. At least sa PC gaming e hinde. Ganito kase yun: may mga laro na sobrang nahihilo ako at nasusuka pag nilalaro ko. Nagsimula ito nung college nung natuto akong maglaro ng Half-Life 2. Kasama ko yung mga barkada ko nun at nagrenta sa shop para maglaro ng Half Life sa LAN. Ilang minuto pa lang e hindi ko alam kung bakit ansama na agad ng pakiramdam ko. Parang hilong-hilo ako tapos nasusuka na gusto ko na lang humiga dun sa sahig. Akala ko ay dahil sa nakain ko, kaya tuloy pa ren ang laro ko. Nang makakalahating oras na ako ay hindi ko na talaga kaya. Buti naman at hindi ko na din tinuloy yung kalahating oras dahil kung tinuloy ko pa ren ay baka nag-seizure na ako dun.
Nagresearch ako ngayon tungkol dito at nalaman ko na maraming laro pala ang ganito talaga at marami ding ibang naglalaro ang nakakaranas nito. Badtrip, kung alin pang magagandang laro ang nakakahilo. Kadalasan sa mga nalaro ko na nahilo ako ay mga first person shooting o (FPS) gaya nga nitong Half Life, Soldier of Fortune, Max Payne, Quake at Resident Evil. Pero may mga laro na first person view na hindi naman ako nahihilo gaya ng GTA, Prince of Persia at Counter-Strike.
May mga solusyon akong nabasa gaya ng pag-adjust ng frame rate, pag-invert ng Y-axis , pag-adjust ng picture quality at pag-adjust ng refresh rate, pero sa tingin ko e wag na lang, mas ok sana kung yung laro mismo e matino na. Sayang lang nga dahil gusto ko ren laruin yung iba pero minsan makita ko lang yung screen kahit hindi gumagalaw yung character e parang nasusuka na agad ako. Buti na lang at yung mgaganda talagang laro na gusto ko e hindi naman nakakahilo.
Apir!