Nireklamo noong ika- 15 ng Oct 2011 sa Intarnets

Pagbalik?

Ewan ko lang ha.

Masyado lang akong naiirita sa biglang naging pagdagsa ng mga spam na komento sa aking mga reklamo. Umabot na sa mahigit 15,000 ang mga ganitong komento, potakteng yan! Sa totoo, medyo matagal na din ang mga ito pero tinatamad lang talaga ako magbura. Ewan ko kung bakit pumalya ang aking pansala ng mga ganitong walang kakwenta-kwentang mga komento. Dahil siguro sa hindi naman ako nagbayad sa kanila. Pero basta.

At isa pang ‘sa totoo lang’, naiisip ko na din buhayin talaga ito ulit. Masyado na akong nagiging miserable sa buhay. Siguro e kailangan ko na din isiwalat ang ilan sa mga hinanakit ko at mga ikinakagalit, gaya ng kinagigiliwan kong gawin dati. Kaya mas lumalaki na ang tsansa na mas maging independente na ang blog na ito.

Apir!

  • Comments Off
Nireklamo noong ika- 2 ng Aug 2010 sa Sarili

Paglisan

Ako ay pansamantala munang mamamaalam. Medyo marami ang mga bagay na kailangan kong gawin, asikasuhin at tapusin kaya iiwan ko na munang nakatiwangwang ang kaawa-awa kong blog. Babalikan ko pa naman ito, kaya nga pansamantala lang e.

Sa aking pagbabalik e baka hindi na ako nakiki-sipsip ng bandwidth sa aking magaling na pangalawang personalidad. Ano ba ang gusto n’yo: boybati.com o boybatikos.com? Sabi na agad para maaksyunan na pagbalik ko. Kung may iba naman kayong suhestyon ay sabihin n’yo na lang dito sa mga komento.

Apir!

  • Comments Off
Nireklamo noong ika- 20 ng Jul 2010 sa Buhay-buhay, Kaugalian

Papunta Na ‘Ko

Yan ang kadalasan nating sinasabi sa mga taong naghihintay sa atin sa isang lugar para mabigyan sila ng kasiguruhan na papunta na nga tayo sa pinag-usapang tagpuan. Pero kadalasan din e sinasabi natin ito kahit hindi pa naman nakakaalis ng bahay. Ayon sa natuklasan ng staff ng blog na ito, mayroong 276,236 na kompirmadong gumagawa nito sa kasalukuyan.

Natanim na sa isipan nating mga Pilipino na ang pagiging huli sa pagdating sa isang pupuntahan ay normal na at parte na ng kaugalian natin. Sa totoo lang, isa itong napakalaking kabobohan sa ating panig. Namana lang natin ito noong panahon ng mga Kastila at hanggang ngayon ay parang napamahal na sa atin ang ugaling ito.

Hindi ko alam sa iba pero hindi talaga maganda sa pakiramdam ang mahuli sa isang appointment. Kahit na hindi pormal na pagkikita e ayaw ko nang ako ay nahuhuli, at lalo nang ayaw ko na ako ay maghihintay para sa aking katatagpuin. Pero maliban sa personal na prinsipyo e pangit talaga yung parati tayong nahuhuli sa mga dapat puntahan. Kahit na simpleng pagkikita n’yo lang ng mga kaibigan ninyo, hindi pa din ito maganda. Syempre pwede naman palampasin yan ng mga kaibigan mo. At minsan siguro ay ganun din sila. Pero sa mga mas seryosong bagay e pangit ito. Kagaya na lang kung nahuli ka sa trabaho o sa isang panayam, hindi ito maganda bilang imahe ng iyong propesyonal na buhay.

Hindi lang sa mga pupuntahan ito pwedeng maisabuhay. Kasama na din dito ang mga deadline sa trabaho o mga proyekto. Mas maganda kung habang marami pang oras ay gawin na ang dapat gawin para hindi tayo nagmamadali kapag malapit na ang takdang oras.

Disiplina lamang ang pwedeng pairalin para maiwasan natin ang mahuli sa kung ano mang dapat puntahan o gawin. Ayus lang siguro kung hindi naman palagi at meron kang maayos na dahilan kagaya ng nabaril ka sa paa, sumabog ang sinasakyan mong bus, nanakaw ang computer,  o kaya e natapunan ka ng sabaw sa karinderya nang kumain ka ng agahan. Basta kung alam mong magkakaroon ng abala sa pagpunta mo e sikapin mong agahan ang pagpunta. O kung sa gagawin naman ito ay huwag na magsayang ng oras sa hindi mahahalagang bagay.

Magandang maging prinsipyo ang pagiging nasa oras. Mapipilitan ang mga kausap mo na maging maaga ren sa mga lakad nila. At pinapakita din nito ang pagiging responsable mo hindi lang bilang isang propesyonal kundi bilang isang tao.

Apir!

  • Comments Off
Nireklamo noong ika- 13 ng Jul 2010 sa Palabas

Tarantadong Pinoy

Nang mauso sa ibang bansa ang mga palabas sa TV na panay pasiklaban ng mga kakayahan at talento ay kanya-kanya nang kuhanan ng franchise ang mga sikat na estasyon sa TV dito sa Pilipinas. May ibang gumawa ng sarili. Ito ang Pilipinas Got Talent, Talentadong Pinoy at Showtime. Ewan ko kung meron pang iba, kasama na ren sila dito.

Sa mabuting panig ay maganda ito dahil naibabahagi ng mga Pilipino ang kanilang talento o ‘di kaya naman ay mga katawa-tawang mga pinapakita nila sa mga tao. Nagkakaroon ng kalayaan at pagkakataong maiparating ang kanilang mensahe sa kapwa Pilipino sa pamamagitan ng sining na kanilang alam.

Pero kagaya din ng ibang palabas sa TV, ito ay apektado ng politika. Puro napakawalang kwenta ng mga hurado na pinipili nila. Ayon sa mga tagapagsaliksik ng blog na ito, nagkakaroon ng pa-raffle sa mga estasyon at kung sino ang mabunot ang pangalan e s’ya ang kasali sa magiging hurado. Pero siyempre matimbang din yung mga malalakas sumipsip sa mga bosing ng mga kompanya ng telebisyon.

Sa aking sariling pananaw ay bagsak ang mga kwalipikasyon ng karamihan sa mga nagiging hurado sa mga palabas na ito. Oo nga’t karamihan sa kanila ay mga artista. Pero karamihan sa kanila ay katiting lang ang alam sa panonood at pag-obserba ng mga paligsahan ng talento. Karamihan sa mga napanood ko ay hindi naman talaga tinitingnan ang talento. Basta nakuha ang pansin nila sa pamamagitan ng magandang suot, magandang effects sa entablado, o kung ano pa mang panglihis sa atensyon ng mga hurado at mga tao para hindi mapansin ang kanilang kakulangan sa talento. Karamihan sa mga hurado ay binibigyan ng malaking importansya ang kwento ng buhay, pangangailangan sa pera at kung anu-anong kwentong pampaawa ng mga sumasali.

Ang kadalasan din na mga napupuri ay yung mga kumakanta at sumasayaw. At dapat ay mga sikat na kanta at sayaw lang. O kaya ay dapat tipong pop na madaling maintindihan ng mga nanonood na mababa ang IQ, parang yung mga hurado lang. Madalang ma-appreciate dito yung talentong kakaiba at hindi mainstream. Masyadong makitid ang sakop ng kaalaman ng mga napipiling hurado e kaya kung ano lang yung alam nila, yun lang ang maganda.

Hindi ko naman  nilalahat ang kawalang kwenta ng mga huwes sa mga ganitong palabas. Katunayan, nanonood ako nung sa Talentadong Pinoy  (yata) nung isang linggo. May isang performer na puring-puri ng mga hurado dahil napatawa sila habang nagki-keyboard sya at gumugulong. Pero yung huling hurado e pinuna yung kakulangan n’ya sa talento at hindi nadaya sa mga pagulong-gulong n’ya habang tumutugtog. May mga hurado din na nakikita yung higit pa sa saktong palabas lang. Dapat talagang  may talento.

Kung hindi lang ako mahiyain e baka sumali na din ako sa mga ganyang talent show at sumayaw ng macarena at aringkingking medley.

Apir!

  • Comments Off